Tinawag ako sa aking panaginip, upang maging kanyang alagad at hanguin sa kawalan! At mula sa pagiging “hator” hanggang sa pagiging ACC, kung nasaan ang katotohanan!
“anak ipinadala sa iyo yun ng Mahal na Ingkong upang malaman nya kung hanggang saan mo siya kayang ipagtanggol!” At biglang naging maningning at napakaliwanag na sutana ang papang sa harap ko at nagbabaan ang mga angelita sa langit at nagsasaya...
Bumangga kami sa isang pader na may mga bakal na maaring tumusok sa aming mga katawan. Ngunit ang pagmamahal ng Ingkong ay walang hanggan, napakaliit na gasgas lang sa aking kamay ang aking natamo...
...sapagkat nung aking tinitigan ang Kanyang mga mata ay nakita ko ang kanyang napakagandang asul na mga Mata…!
(FULL STORY)
Ako po si Arnel Evangelista or “APO JUAN CARLOS DE MALABAR” na ngayon po ay REV. FR. JUAN CARLOS ARNEL EVANGELISTA. (OMHS)
Nuon pang bata pa ako ay alam ko na po ang kaganapan ng Mahal na Ingkong sa Sacrifice Valley, dahil ang aking mga pinsan na sina Apo Elino De Alexandria at ang kanyang mga kapatid ay mga apo na at nananalig na po sa Mahal na Ingkong nuon pa AT MARAMI PO ANG MGA TINATAKAN NG MAHAL NA Ingkong sa aming lugar, ngunit katulad po ng mga dahilan ng ibang tao na ayaw magpabasbas na” BAKIT AKO MAGPAPABASBAS E HINDI KO NAMAN KAYA ANG TUNGKULIN NG ISANG APO,” ang akin pong buhay nuong panahong iyon ay walang direksyon, trabaho para sa sarili ko na hindi iniisip ang aking mga magulang at kapatid, barkada, inuman magdamag, sigarilyo at minsan pa nga ay tumitira ng mariwana, halos walang direksyon, pati mga magulang ko kinakalaban ko, ang sabi nga e black sheep daw ako na aking tinanggap dahil yun din ang tingin ko sa sarili ko.
Kaya ng dumating ang year 2006 ang lahat ay nagbago, mula pa nuon palagi po akong binibigyan ng babala ng aking panaginip, at palagi ko pong nakikita ang isang babae na hindi ko po makita ang kanyang itsura. Sa tuwing ako ay naliligtas sa kapahamakan ay lagi ko po syang nakikita sa aking panaginip. Kaya nga naitanung ko nga sa ibang apo na “di ba kapag lalaki ka dapat lalaki din ang gabay mo diba?”Kaya minsan kinausap ko ang aking sarili sa salamin, ang sabi ko po e, ”nagsasawa na ko sa buhay ko may patutunguhan ba ako?” Hanggang sa ako po ay nakarinig ng kursilyo sa Sacrifice Valley, hindi ko po alam pero bigla po akong naging interesado at nag presenta po ako sa isang apo na walang pangalan at bayan na (binas- basan daw ni bishop arcado, at basta apo daw sya!)at sumama ako at naging candidate ng nasabing kursilyo, mula duon ay nalaman ko ang mga bagay na dapat gawin at tungkulin ng isang kristyano, napalapit muli ako sa Diyos, ngunit parang naramdaman ko na may kulang sa aral nila tungkol sa Mahal na Ingkong? Hindi ko alam kung bakit ko nararamdaman iyon, at ang isa ko pang tanung, “bakit magkasama ang lalaki at babae sa kursilyong ito?”
Lumipas ang ilang araw at ako ay sumama na sa mga nakilala kong mga apo at mga tinatakan sa amin, hanggang sa dumating ang araw na naramdaman ko ang pagkakaiba ko sa kanila, dahil silang lahat ay may basbas at ako ay wala, hanggang sa ako po ay kinausap ng aking pinsan na si Apo Elino sinabi nya sa akin ang lahat tungkol sa pagkakahiwalay ng ACC at ng F.I. at meron pang bumulong sa akin na “NASA EDSA ANG TATAKAN.” Nung una ay nalito ako kung saan ba ang katotohanan? Kaya kinausap ko ang aking mga kasamahan (F.I.) At sinabi ko sa kanila na nais kong mag pa tatak sa EDSA. Lahat po sila ay pumayag kaya ako po ay nagpatatak noong September 30, 2006, at kahit ako ay tinatakan ako ay sumasama parin sa mga aking naging grupo (F.I.).
Hanggang sa dumating ang pagkakataon na ako ay napasama at bumalik sa Sacrifice Valley kahit na ako ay hindi handa walang pera sa bulsa at ni walangdalang damit na pampalit. Ako din ay nag sama ng aking alay na kaluluwa para sa kanilang kursilyo.
Nang pagsapit ng gabi ay nagsimula ang lahat ng pagbabago, ako ay nakarinig ng mga salita na masasakit tungkol sa kaganapan ng Mahal na Ingkong sa Papang at sa EDSA. Hindi ako nakatiis kaya ako ay lumabas at napapunta sa comprohan ngunit mas matindi pa pala ang aking mga maririnig sapagkat yung mga namumuno ng nasabing grupo ang mga naroroon na puro paghatol sa Patriarka ang aking naririnig buhat sa kanila. Hindi ko alam kung bakit parang nadurog ang puso ko ng panahong iyon, una sa lahat hindi ko naman kilala talaga ang Papang at bakit parang may kakaiba sa aking espiritu ng mga panahong iyon.
Kaya ako ay nagdesisyon na bumaba sa Manila, ngunit paano? Wala akong dalang pera, kaya tinawag ko ang Mahal na Ingkong at ang aking gabay. Ang sabi ko ay “MAHAL NA INGKONG KUNG TOTOO PO ANG AKING GABAY NA IPINAGKALOOB MO SA AKIN IPAKITA MO PO SA AKIN ANG TUNAY AT KATOTOHANAN NAIS KO DIN PONG MALAMAN ANG KAGANAPAN NG AKING SANTONG GABAY!” Dumating ang umaga at salamat sa Mahal na Ingkong at ako ay nakababa sa maynila, ngunit hindi ko alam at namalayan na ako ay dinala ng aking mga paa sa simbahan sa EDSA kung saan kasalukuyang gumaganap ang Mahal na Ingkong. Nang ako ay pumasok sa gate ng simbahan ako po ay maligayang sinalubong ng aking pinsan na si apo Elino, at nang ako tumingin sa Ingkong nakita ko na siya ay nakatingin sa akin at kanyang sinabi na “ANAK NATAGPUAN MO NA AKO BAKIT MO PA AKO TINALIKURAN?” Para akong binuhusan ng malamig na tubig at ako po ay naluha ng hindi ko namamalayan,
At nang pagsapit ng gabi sa aking pagtulog ay nagsimula ang kasagutan ko sa aking mga katanungan, ako po ay nanaginip na kasama ko ang papang sa sacrifice valley at sinusundan ko siya sa bakuran ng cathedal at sinasabihan ko siya na “umalis ka na dito hindi ka na gusto ng mga tao dito!” Lahat din ng mga nasa paligid niyang tao ay galit din sa kanya, ngunit hindi nya kami pinapansin at ni hindi siya humaharap sa akin. Hanggang sa lumabas kami ng bakuran nang may biglang sumugod na lalaki na may patalim. Hindi ko maintindihan ngunit pinagtanggol ko ang Papang ng 3 beses. Hanggang sa galit na umalis ang masamang tao at humarap sa akin ang Papang. Nakakagulat sapagkat noong siya ay humarap ay tatlong tao ang nakita ko, una ay ang Papang ikalawa ay ang Mama at ikatlo ay ang Panginoong Hesukristo sa iisang katawan. At winika sa akin ng tinig ni Papang “anak ipinadala sa iyo yun ng Mahal na Ingkong upang malaman nya kung hanggang saan mo siya kayang ipagtanggol!” At biglang naging maningning at napakaliwanag na sutana ang papang sa harap ko at nagbabaan ang mga angelita sa langit at nagsasaya.
Nang ako ay magising ay ako’y tulala. Tinanong ko sa aking sarili, “iyon ba ay totoo?” kaya dali dali akong pumunta sa isang kaibigan ko na si Deaconesa Flora at aking ikinuwento ang lahat lahat, at ang sabi nya sa akin ay “naku apo may tawag ka sa pagpa pari!” hindi ako naniwala sa kanyang mga sinabi kaya pumunta ako kay Mnsgr. Adelmo ng aming simbahan at nagkumpisal ako sa kanya sa aking mga panghuhusga sa kaganapan ng ACC at ikinuwento ko ang aking mga panaginip, at pareho din ang kanyang mga sinabi “ANAK may tawag ka sa pagpapari” ang lahat ng iyon ay hindi ko po pinaniwalaan kaya ginawa kong katatawanan lamang at ikinuwento ko sa aking mga kaibigan sa choire.
Muli kong hinamon ang Mahal na Ingkong, ang sabi ko, ”KUNG AKO AY SASABIHAN SA HARAP KO NG MAHAL NA INGKONG NA AKO AY MAGPAPARI AY TSAKA LAMANG AKO MANINIWALA NG TULUYAN, AT AKO AY MAGPAPA CONVERT NA NG TULUYAN SA A.C.C.,” dahil sa mga panahong iyon ay isa pa ring katanungan sa akin ang pagganap ng Mahal na Ingkong sa Papang dahil siya ay lalaki at ang luklukan ay babae at bakit kalimitan siya ay nagtatanung at inuubo na parang tao sa tuwing siya ay nagmemensahe at bakit sinasabi ng ibang mga tumalikod sa simbahan na puro pera lamang ang pinapairal sa ACC
Pagkalipas ng isang linggo ay nagkaroon ng isang gulo sa sacrifice at muntik nang masaktan at mapahamak ang Papang.Kaya ako ay naalarma, naalala ko ang aking panaginip na kaya ako ay nagsisi kung bakit hindi ako sumama sa mga ACC nang umakyat sa sacrifice valley. Dumating ang araw ng biyernes at ganapan sa EDSA. Ang lahat ay palaisipan parin sa akin hanggang sa dumating ang oras ng dulugan sa Mahal na Ingkong. Puno ng pag aalilangan at takot ang aking dibdib dahil sa aking paghamon sa Kanya.
At nang ako ay dumulog at humalik sa kanyang mga kamay, nakatingin Siya sa akin. Ako ay tumayo upang umalis ngunit muli Niyang kinuha ang aking kamay at ako ay Kanyang niyakap at winika Nya sa akin, “anak mag iingat ka sa tukso” at ibinulong nya sa akin ang aking panaginip at sinabi nya sa harap ko na “ANAK MAG PARI KA MULA NGAYON BAWAL KA NG UMIBIG AT MANLIGAW, ANG PAPANG MO ANG BAHALA SA IYO AT SUMUNOD KA SA AKIN.” Pagkatapos nun ay humagulgol ako sa iyak sa harap ng Mahal na Ina sa gilid ng simbahan. Nahiya ako sa aking sarili at sa Diyos. Sino ba ako para hamunin siya ng ganun? Sa ganung paraan, naunawaan ko ang lahat at nalaman kong mahal pa rin pala ako ng Diyos. Hindi nya ako pinabayaan na maligaw ng landas at maligaw ng paniniwala dahil kinuha pa rin nya ako sa maling grupo na kinaaniban ko upang tuluyang maglingkod sa kanya.
Lumipas ang ilang buwan ako ay naging masipag sa pag ganap bilang Apo, ngunit dumaan pa rin ako sa mga pagsubok. Dumating sa puntong pinagsasabihan na ako ng mga kapatid ko at magulang ko na nababaliw na ako sa kaka dasal at anu ba ang makukuha ko sa kaka luhod ko? Maging ang ibang kamag anak ko ay nakakasamaan ko pa ng loob. Ang iba naman ay walang tigil sa pagtawg sa amin ng “kulto.” Lahat yun ay pinilit kong lampasan. Hanggang sa dumating ang araw na ako ay tinawag ng Mahal na Ingkong at binasbasan bilang isang JUAN. Nakakatuwa at napakasaya ko noon dahil direkta akong nakakapaglingkod sa Papang at naging napakabait nya sa akin na para siyang tunay kong ama.
Sabi nga nila, marami daw ang naghahangad na magkaroon ng pagkakataon na maging juan tulad namin, ngunit nakalulungkot dahil totoo din pala ang sabi nila na “noong panahon ng Mama, lahat ng malapit sa kanya ay malapit sa din pagsubok at gulo na para kang puno na namumunga na pilit binabato.” Ganun din pala ngayon, ang hirap pala. Naitanung ko din sa aking sarili na “kaya ko ba ito? matitisod ba ako?” Natatakot din ako na baka hindi ko mapigilan ang sarili ko at tuluyang magsipagtubo muli ang mga sungay ko na pilit kong pinutol para sa pagbabago. Hanggang sa lahat kaming mga juan ay tuluyang nagging miyembro ng (OMHS) family na aking dala dala sa aking dibdib ang lahat, at hindi nakakahanap ng kasagutan.
Lumipas ang mga buwan, may dumating na namang isang pagsubok sa aking vows ukol sa pagsunod, kababaan, at pagtanggap. Ako ay nagmataas sa aking kapatid sa kongregasyon sapagkat ang nasa isip ko ng mga panahong iyon ay hindi ako papayag na ako ay apihin nino man at hindi ako hihingi ng tawad kung hindi ako ang may kasalanan. Nang mga panahong iyon ay sumama din ang loob ko sa Patriarka sapagkat pakiramdam ko ay mas kinampihan nya ang nakaaway ko kesa sa akin, umiral ang katigasan ng puso ko at ng ulo ko. Iniwan ko ang aking gawain at kagampanan sa simbahan sapagkat ako ay nakatakda na magpahayag sa Compro ng panahong iyon. Sapagkat ang nasa aking isip “paano ako magpapahayag ng Salita ng Diyos at ng kababaan kung hindi ko ito makita sa sarili ko?” Sa sobrang pagkainis ko ay dumating ako sa punto na nagdesisyon ako na iwanan ang congregasyon at ang kaganapan ng Mahal na Ingkong. Ako po ay umakyat sa Sacrifice Valley. Iniwan ko ang ganapan at pumasok sa paaralan ng simbahan (dito muli Nagpatotoo sa akin ang Mahal na Ingkong…)
Noong ako po ay pauwi na, naglabas ako ng sama ng loob sa aking guro na (Iglesia ni Kristo)at sinabi nya sa akin na mag unwind muna ako at kung nais ko ay maaari akong sumama sa kanilang simbahan, kaya ako po ay pumayag. Ako ay umangkas sa kanyang motor bike. Mula po sa aming eskwelahan ay deredretso pababa ang kalsada sapagkat duon ay kabundukan. Sinimulang paandarin ng aking guro ang kayang motor at sa hindi kalayuan ay biglang may narinig akong kumalas sa makina at bigalang bumulusok ang aming sinasakyang motor. Nasabi na lamang ng aking guro na “naku nawalan tayo ng preno!’ Sa bilis naming iyon ay biglang nag flashback sa akin ang lahat at naalala ko ang ganung bilis ng aksidente ay maaring mabasag ang ulo namin (wala kaming helmet) at mabali ang aming mga buto at tiyak na ang aming kamatayan! Ngunit pinikit ko ang aking mga mata attinawag ko ang Mahal na Ingkong, ang Papang at Juan Bautista. “Patawad po!” At bumangga kami sa isang pader na may mga bakal na maaring tumusok sa aming mga katawan. Ngunit ang pagmamahal ng Ingkong ay walang hanggan, napakaliit na gasgas lang sa aking kamay ang aking natamo. Isa na namang himala!
Pagkatapos ng lahat ako ay nagnilay kinausap ko ang ating Diyos. Isa lang ang sagot nya sa akin… “anak kung ikaw ay aking kinuha paano mo mapapatotohanan ang Aking mga himala sa iyo?” Natapos ang lahat ngunit ang pagsubok ay patuloy pa ring dumarating sa akin. Dumating ang panahon nang ako ay nagpa-ordain bilang paribilang pagtanaw ko sa kabutihan ng Mahal na Ingkong at regalo ko sa aking sarili. Ngunit kahit ganon mayroon pa rin akong hinihiling sa Mahal na Ingkong. Dahil sa palagi kong nalalaman na sa ibang bansa ay patuloy ang paghihimala ng Mahal na Ingkong gaya ng pagbuhay ng patay at ang pagpapakita Nya sa mga tao, sa katauhan ng Papang sa tuwing siya ay gumaganap, samantalang ako ay halos 24 hrs. kong kasama ang Papang araw araw, kaya minsan nasabi ko, “Bakit ganun? Bakit sa ibang bansa patuloy ang Kanyang himala?”
Sa hindi inaasahang pagkakataon, ako ay napasama sa kursilyo group sa Hongkong upang maging tagapagpahayag. Sa kabutihang palad ay first time kong masasaksihan ang pagganap ng Mahal na Ingkong sa ibang bansa, at sa hindi inaasahang pagkakataon hindi ako binigo ng Mahal na Ingkong sapagkat nung aking tinitigan ang Kanyang mga mata ay nakita ko ang kanyang napakagandang asul na mga Mata…! Wala akong ibang nagawa kundi ang matulala at tumitig sa Kanyang mga mata. Ang lahat lahat ay akin na pong nauunawaan ngayon. Ang babae palang palaging nagliligtas sa akin ay walang iba pala kung hindi ay ang Mama. Sapagkat matagal na pala nya akong tinatawag noon ngunit ngayon lamang ako tumugon sa tawag ng Mahal na Ingkong.
Nakatutuwa mga kapatid ang aking mga nasaksihan at naranasang patotoo dahil sa aking paghamon sa Kanya. Subalit ngayon ko naintindihan ang lahat, ang nais ng Mahal na Ingkong sa atin ay gamitin natin ang lahat ng Kanyang mga patotoo sa atin sa gitna ng ating mga pagdududa at sa mga pagsubok na darating sa atin, at ito ang ating maging sandigan at panghawakan upang wag tayong tuluyang bumitaw sa Kanya. Ngunit ang sabi nga ng ating Manginoon “MAPALAD ANG NINIWALA NGUNIT HINDI NAKAKAKITA”
At sa atin pong lahat na mga natitisod pa rin sa simbahan,PAKATANDAAN LAMANG PO NATIN! “ ITO LAMANG PO ANG SIMBAHAN NA APOSTOLIC CATHOLC CHURCH ANG ITINATAG NG DIYOS ESPIRITU SANTO ANG IKATLONG PERSONA NG DIYOS AT WALA NG IBA!’’’
KAYA KUNG MAY MGA NAGSASABING SILA ANG TOTOO, KAPATID MAG ISIPISP PO TAYO WALA NA PONG IKAAPAT NA PERSONA ANG DIYOS KAYA HINDI NA PO MAGTATAYO ANG DIYOS NG KANYANG SIMBAHAN. KAYA MALAMANG HINDI PO SA MAHAL NA INGKONG YAN,,,
Kaya nararapat lamang po na tulungan natin ang ating inang simbahanACCat ang ating pinaka mamahal na Patriaraka o “Papang” sa pagkat sa kanya hinabilin ng pinakamamahal nating MAMA at na MAHAL NA INGKONG ang lahat. at lahat tayo ay inaasahan ng ating Panginoong Diyos. Ipakita natin ang ating tunay na pagganap hindi lamang sa pananalita at sa pagluhod luhod lang.
Tandaan po natin, ang atin pong simbahan ay nakatungtung pa rin sa lupa kaya tulad natin ay mayroon din itong pangangailangang material na tayong mga hinirang ang nararapat na magbigay. Isa pong panawagan sa lahat kong mga kapatid na tinatakan, mahalin at ipaglaban po natin ang iniwan po sa atin ng Mama at ngayon ay ipinagpapatuloy po ng ating Patriarka, ANG ATING INANG SIMBAHAN.